Pastol
by Lamberto E. Antonio
Sakay ng kalabaw na may tarak na silahis,
Ang pulang kanluran sa pisngi ng pastol
Ay kundimang maisisipol.
Narinig ko nang sumipol ang isang babaing
Binangas ng hangin at gilik ang mukha;
Narinig ko nang sumipol ang isang lalaking
Hinukos ng pagbuntot sa araro.
At nasumpungan ko ang sariling sumisipol:
Isang batang nagmula sa paghahanap
Ng itlog ng maya at tagak —
Nakatalungko at nag-aalis ng amorseko sa damit
Sa puyo ng burol habang nanghuhula
Sa salayasay ng mga bituin.