Lubid
by Lamberto E. Antonio
Anhin ko mang tignan
(Tinging panakaw pa),
Iisang larawang may dalang kilabot
Ang ibinibigay sa akin ng lubid
Hindi mga paslit na humahagikhik
At nagluluksuhan sa pag-aakalang
Basta Mawawaglit ang kalam ng tiyan
Sa di pagkasangga ng lubid sa paa;
Hindi rin ang hayop na sumisingasing
At inihahagkis ang sungay sa tulos,
O ngunguya-nguyang nagpapaumanhin
Sa bigat at haba ng buhay sa lupa
Kung ang lubid sana’y
Namalagi man lang tulay
Na tawiran sa oras ng gutom, kung
Di naging bagay na ibinubuhol
Upang ipanggapos
Baka matingnan kong
Karaniwang gamit na nakaligtaang
Sinupin sa silid –
Ngunit ito’y lubid na bibitin – bitin
Sa dilim ng sulok: nagsagawa marahil
Yumapos sa ulo ng alagang hayop,
Ito’y napilitang lumipat sa leeg
Ng isang amaing naghanap
Ng sagot sa paghihikahos.