Poem #45
by Rio Alma
Madalî ang magsinungaling;
Ordinaryong trabaho ito ng entablado.
Ngunit mahal ko ang sinabi kong mahal
Dahil bahagi ng aking búhay.
Tulad ng mahal kong kanin sa araw-araw,
Ng saging,
Ng laging preparadong sardinas,
Ng mahirap kalimutang higop ng kape,
Ng sagitsit ng kawali,
Ng ulyaning gripo,
Ng lahat ng pumapalyang sistema ng lungsod,
Ng naninisnis na kalinga ng tuwalya,
Ng masunuring sapatos.
Mahal ko na
Kahit ang kailangang inuming gamot.
At mahal ko ang sorbetes pandan dahil mahal mo:
Ang sapin-sapin,
Ang inipit na halimuyak ng ilang-ilang,
Ang kundiman at jazz,
Ang aklat ng tula,
Ang paborito mong restoran,
Si Chaplin.
Ang damuhang ito dahil inupuan mo.
Ang bangketang iyon
Dahil nilakaran mo rin araw-araw.
Ang takipsilim
Dahil matagal mong pinanood
At hinangaan.
Ang bantayog
Dahil niligid mong nakatingala.
Mahal ko ang suklay dahil iyo:
Ang botones,
Ang sinulid at karayom,
Ang imperdible,
Ang garter,
Ang palda,
Ang panti’t bra, at marami pa.
Lalong hindi ako sinungaling kung minamahal ko
Ang araw,
Ang dagat,
Ang naglalahòng bundok,
Ang pangahas na simoy,
Ang ulap,
Ang buhangin at bato,
Dahil naaalaala ko ang init at lamig mo,
Ang lungtian at harot mo,
Ang mga pangarap mo,
Ang lambot at tigas mong minamahal ko.