Search This Website

Showing posts with label Rio Alma. Show all posts
Showing posts with label Rio Alma. Show all posts

Kay Gilda by Rio Alma (Poem)

(This is a poem pennd by Rio Alma as tribute for the passing of Gilda Cordero-Fernando in 2020.)

Kay Gilda
by Rio Alma


Kung pagsaulan kong basáhin sa isip
Ang nangakaraang araw ng ligalig,
Walang mahagilap na lungtiang titik
Liban na kay Gildang namugad sa dibdib.

Yaong Gildang lagìng ginugunamgunam
Na bitwing marikit at di mapaparam,
Minsang naging tanglaw niring kapalaran
Sa mundong madilim at tigib sa panglaw.

Makaligtaan ko kayâng di bigkasin
Ang kaniyang payo at masayáng bilin?
Huwag ikalungkot ang gabing madilim,
Kung nabubúhay pa at diwa ay gisíng.

Lumipas ang araw naming matatamis
Kahit nagdidilim ang buong paligid;
Ang halakhak niya’y mahimalang tinig
Pantaboy sa taksil at itim na bagwis.

Ngayong nawala na at nangungulila,
Ano ang gagawin pag muling nagdusa?
Ay! May tatamis pang dapat maalala?
Wala nang tatamis, wala na nga, Gilda!

Poem #45 by Rio Alma (Poem)

Poem #45
by Rio Alma


Madalî ang magsinungaling;
Ordinaryong trabaho ito ng entablado.
Ngunit mahal ko ang sinabi kong mahal
Dahil bahagi ng aking búhay.
Tulad ng mahal kong kanin sa araw-araw,
Ng saging,
Ng laging preparadong sardinas,
Ng mahirap kalimutang higop ng kape,
Ng sagitsit ng kawali,
Ng ulyaning gripo,
Ng lahat ng pumapalyang sistema ng lungsod,
Ng naninisnis na kalinga ng tuwalya,
Ng masunuring sapatos.
Mahal ko na
Kahit ang kailangang inuming gamot.
At mahal ko ang sorbetes pandan dahil mahal mo:
Ang sapin-sapin,
Ang inipit na halimuyak ng ilang-ilang,
Ang kundiman at jazz,
Ang aklat ng tula,
Ang paborito mong restoran,
Si Chaplin.
Ang damuhang ito dahil inupuan mo.
Ang bangketang iyon
Dahil nilakaran mo rin araw-araw.
Ang takipsilim
Dahil matagal mong pinanood
At hinangaan.
Ang bantayog
Dahil niligid mong nakatingala.
Mahal ko ang suklay dahil iyo:
Ang botones,
Ang sinulid at karayom,
Ang imperdible,
Ang garter,
Ang palda,
Ang panti’t bra, at marami pa.
Lalong hindi ako sinungaling kung minamahal ko
Ang araw,
Ang dagat,
Ang naglalahòng bundok,
Ang pangahas na simoy,
Ang ulap,
Ang buhangin at bato,
Dahil naaalaala ko ang init at lamig mo,
Ang lungtian at harot mo,
Ang mga pangarap mo,
Ang lambot at tigas mong minamahal ko.

Sa Kabaret by Rio Alma (Poem)

Sa Kabaret
by Rio Alma


Sabi ko, "Maganda ka."
Sabi mo, "At di mura,"
Sabi ko, "Gusto kita."
Sabi mo, "Bayad muna."

Huwag Hahampasin Ang Gutom Na Lamok by Virgilio Almario (Poem)

Huwag Hahampasin Ang Gutom Na Lamok
by Virgilio Almario


Huwag hahampasin ang gutom na lamok
Pagkat mabilis itong nakakaiwas
Pag payat, may matalas na pakiramdam.
At magaan ang katawan sa paglipad.
Huwag bubuwagin pag-aali-aligid
Dahil baka magtampo’t lumayo tuloy;
Sa halip, magkunwaring pagod o tulog
At braso’y ialay sa kanyang karayom.
Bayaang dumapo, tiisin ang kati,
May sabon o alkohol namang panlinis.
Bayaang magpista sa dugo’t mabusog,
Bayaang maaliw kumagat, sumipsip…
Saka tampalin. At siguradong letse
Ang lamok na simbagal ng elepante.

The Summer Solstice by Nick Joaquin (Short Story)

The Moretas were spending St. John’s Day with the children’s grandfather, whose feast day it was. Doña Lupeng awoke feeling faint with the h...