Kanina
by Rolando S. Tinio
Sa almusal kanina, namagitan sa atin
Ang dalawang basong tsaa at kubong asukal,
Ang dalawang bilog ng matamis na tinapay,
Ang pagbanghay sa pandiwang inuunlapian,
Mga tanong-sagutan, walang kabagay-bagay,
Pakulang-tingin, palihim na pakiramdaman,
At wari’y pagkabigat-bigat na pananamlay
Dala ng kagabing pagkakahimbing na kulang.
Nagsimulang bumalong sa aking kalooban,
Halos dalamhating walang ngalan, walang saysay,
Parang sinat o panlalatang palatandaan
Ng totoong karamdamang saka pa dadalaw.
At nabatid kong muli ang lubhang pag-iisa,
Ang makubkob sa sariling alaala lamang,
Sa mga iniisip na walang matutunguhan.
Sa ilang sandali, namamahay pala kita
Sa katahimikang walang bintana, pintuan.