Ang Araro
by Lamberto E. Antonio
Nagsimulang kalawangin
ang araro.
May inuukilkil ang hangin
sa pinid na kubo.
Nagsimulang kalawangin ang araro.
Di maiiwasang mapawaglit nito.
Walang sasawata sa kalawang nito.
Kinakalawang na tulad ng itak
na itinaga sa bato,
tulad ng makinang naghahanap
ng malangis na kamao.
Walang sasawata sa kalawang nito.
Kinakalawang dahil sa mga bagay
na di ikatulog,
muhong pinamumukadkaran ng dugo
kapag nalilipat ng pook.
Kinakalawang dahil sa mga sulong pinagdiringas
ng punglo.
Dahil sa umagang gumagapang sa talahibang
pinatabal ng salansan ng mga bungo,
at bugso ng panagimpang umaalingawngaw
na taon habang pinupugto.
Ang araro---
subyang sa gunita ng nanglalamy
na anino.