Huwag Hahampasin Ang Gutom Na Lamok
by Virgilio Almario
Huwag hahampasin ang gutom na lamok
Pagkat mabilis itong nakakaiwas
Pag payat, may matalas na pakiramdam.
At magaan ang katawan sa paglipad.
Huwag bubuwagin pag-aali-aligid
Dahil baka magtampo’t lumayo tuloy;
Sa halip, magkunwaring pagod o tulog
At braso’y ialay sa kanyang karayom.
Bayaang dumapo, tiisin ang kati,
May sabon o alkohol namang panlinis.
Bayaang magpista sa dugo’t mabusog,
Bayaang maaliw kumagat, sumipsip…
Saka tampalin. At siguradong letse
Ang lamok na simbagal ng elepante.