(This is a poem pennd by Rio Alma as tribute for the passing of Gilda Cordero-Fernando in 2020.)
Kay Gilda
by Rio Alma
Kung pagsaulan kong basáhin sa isip
Ang nangakaraang araw ng ligalig,
Walang mahagilap na lungtiang titik
Liban na kay Gildang namugad sa dibdib.
Yaong Gildang lagìng ginugunamgunam
Na bitwing marikit at di mapaparam,
Minsang naging tanglaw niring kapalaran
Sa mundong madilim at tigib sa panglaw.
Makaligtaan ko kayâng di bigkasin
Ang kaniyang payo at masayáng bilin?
Huwag ikalungkot ang gabing madilim,
Kung nabubúhay pa at diwa ay gisíng.
Lumipas ang araw naming matatamis
Kahit nagdidilim ang buong paligid;
Ang halakhak niya’y mahimalang tinig
Pantaboy sa taksil at itim na bagwis.
Ngayong nawala na at nangungulila,
Ano ang gagawin pag muling nagdusa?
Ay! May tatamis pang dapat maalala?
Wala nang tatamis, wala na nga, Gilda!