Sa Ngalan Ng Anak
by Rebecca T. Añonuevo
Hindi ko maalala ang pighati sa kanyang pamamaalam.
Ang sabi ni Ate’y karga raw ako ni Lola-
Nakasombrero’y kumakaway, parang ibig kumawala,
Pabulong-bulong at nanunulis ang nguso,
Tila ibig mangusap at maghabilin,
Inay, lagi kang susulat,
Kaya't mahahalinhan ng tawanan ang knilang mga hikbi
Hindi lang sulat ang tinanggap naming magkakapatid.
Buwan-buwan ay may padala siyang perang panustos
Sa pag-aaral naming at sa pagkain;di magtatagal
ay kahon-kahon ng mamahaling gamit sa bahay
ang titingala sa aming pintuan.
Titingalain din kami ng mga kapitbahay.
Parang bodega ang nangyari, maliban sa kami
ang naging basyo kinalaunan: samantalang pinalakihan
ang bahay at dumami pa ang kasangkapan’
Tinamad naman si Kuyang mag-aral, maagang nag-asawa
Si Ate, nalulong sa ibang babae si Itay,
at si Inay, sa huling sulat niya’y babalik na raw.
Ako ngayon itong hindi matagpuan ang sarili,
pagkatapos ng labinlimang taon at ibang daigdig.
Tulala ang lahat, namumugto ang mga ulap sa labas,
nang-uusig ang lamig ng marmol na sahig’
nakikipagluksa ang mga sinidihang kandila:
Bumalik siyang nakasilid sa kabaong ng mga pangarap.
Sana’y sumpain ko ang mga dayuhang pumatay sa aking ina;
Sana’y mag-apoy sa dibdib ko ang galit sa kanila.
Sana’y manangis ako tulad ng karamihan;
Sana’y maantig ako ng mukha niyang walang buhay.
sana’y matunaw ako sa init ng kanyang pagmamahal para sa kanyang-
Ano’t habang minamalas ko’y hindi makilala.
Hindi ko maalala ang pighati sa kanyang pamamaalam