Search This Website

Pagwawalay by Rolando S. Tinio (Poem)

Pagwawalay
by Rolando S. Tinio


May mga kalungkutang hindi mabansagan,
Walang dahilan o katwiran,
Kinahihinatnan nang walang kamalay-malay:
May kaunting pangangatal sa ilang bahagi ng katawang
Unti-unti mong napapakiramdaman.
Tinutuluyan mo, o tumutuloy sa iyo,
Bahagyang pananamlay na hindi maiospital.
Ano ang gagawin nila sa ganito?
Kay raming higit pang nag-aagaw-buhay!

Kagabi, halimbawa, pagtalikod niya,
Paglalaho sa sulok na walang ilaw,
Para siyang hinigop ng dilim
Na kahit dahil lamang sa patay na ilaw,
Parang dilim ng—naku naman!—kamatayan.
At ikaw ang parang—paano nga ba?—pumanaw
O pinanawan.

Pinanawan
Ng lahat ng mga gunitang pinangalagaan:
Mga walang-buto’t-balat na musmos sa kandungan
O mga napakamaselang halaman, o ulap,
O buhay na buhay na pangarap
Na hindi marahil dapat pinagsakatawan.

At ngayon tuloy,
Pati gunita, gunita na lamang.
Parang hindi ikaw ang labis maligayahan.
Parang hindi sa dibdib mo lumatag ang kapayapaan.
Sa sandaling iyon, nawalay kang lubos
Sa sariling kilala mo kaninang-kanina lang
At hindi mahulaan—bakit pa aasahan?—kung kailan
Kayong muli—tiyak na hindi na!—magkakangitian.

The Summer Solstice by Nick Joaquin (Short Story)

The Moretas were spending St. John’s Day with the children’s grandfather, whose feast day it was. Doña Lupeng awoke feeling faint with the h...