Search This Website

Payo sa Bumabasa ng Tula by Rolando S. Tinio (Poem)

Payo sa Bumabasa ng Tula
by Rolando S. Tinio


Hindi nalalayo
Sa pagpangos ng mangga
Ang pagbasa ng Tula.
Amuyin, sapulin sa kamay
Ipalasap sa palad
Ang init at kinis ng balat,
Saka hubarin ang dilaw na katad
Na minsan man itim na pekas,
Parang matang ibig mangusap.
Huwag na huwag ngangatain.
Tubo at mangga’y magkaibang sining.
Tandaang laman ay hindi parang laman,
Humihingi ng ingat, pagmamahal.
Turuan ang ngiping dumagan
Nang hindi mag-iiwan ng sugat.

Unti-untiin ang pagsisiwalat
Sa buto…
Na namimintog, lumalapad–
Kutsilyong walang talas,
Pinatuyong sinag ng araw,
Usok-at-ulang nagsabato,
Garing na ‘di pa nakakatam,
Siksik na taguan ng yabong,
Lilim, at tatal.

Huwag mithiin asetikong buto,
Ang puting ermitanyo,
Bago mapagdaanan ang mga ehersisyong karnal.
Bayaang maganap
Tamis, pait, saklap
Sa isang panlasang wagas
Huwag kainipan ang labo
Ng pisnging humuhulas.

Pagkatapos na makipagtapatan
Sa mga istasyon ng pagkalaman,
Kusang liliwanag ang sagradong buto–
Na ‘sim bigat ng katotohanan,
‘Sing gaan ng pangarap at kalawakan!

The Summer Solstice by Nick Joaquin (Short Story)

The Moretas were spending St. John’s Day with the children’s grandfather, whose feast day it was. Doña Lupeng awoke feeling faint with the h...